METRO MANILA, Philippines — Nanatiling kalahatî sa bawat 10 Filipino ang nasisiyahán sa ginagawâ ng administrasyón ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon sa resulta ng Pahayag 2nd Quarter 2024 survey ng PUBLiCUS Asia Inc.
Base sa survey 51% ang performance rating ng kasalukuyang administrasyon, samantalang nanatili sa 44% at 33% ang approval at trust ratings ni Marcos.
Ngunit kapansin-pansín na mulâ sa 52% noóng unang tatlóng buwán ng taón ay bumabâ ang kanyáng approval rating sa 49% sa North-Central Luzon, na kilaláng kanyáng balwarte.
BASAHIN: Bagong hepe ng DepEd malalaman bago matapos ang linggó – Marcos
BASAHIN: VP Sara Duterte nagbitíw na bilang DepEd chief
Patuloy namán ang pagbabâ ng approval at trust ratings ni Vice President Sara Duterte sa 46% at 41% mula sa 53% at 46% sa unang survey ng taón.
Magíng sa kanyáng balwarte sa Mindanao ay bumabâ ang kanyáng approval rating sa 68% mula sa 75%. Hindi pa nagbíbitiw si Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd) nang isagawâ ang survey mula ika-15 ng Hunyo hanggáng ika-19.
May 1,507 respondents ang survey at silá ay mga rehistradong botante.
Bumabâ rin ang approval at trust ratings ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa 47% at 37% mulâ sa 58% at 45% noong first quarter quarter kung kailán ay hindí pa siyá naháhalal sa kanyáng kasalukuyang posisyón.
Samantala, tumaás sa 27% at 19% ang approval at trust ratings ni House Speaker Martin Romualdez mulâ sa 25% at 18%.
Nanatilì namán sa 29% ang approval rating ni Chief Justice Alexander Gesmundo at umangát ng isang puntos ang kanyáng trust rating sa 19%.
Nanatili naman ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bilang Top 1 sa pinagkakatiwalaang ahensya ng gobyerno, kasunód pa rin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ikatló ang Department of Science and Technology (DOST).