METRO MANILA, Philippines — Magkapareho ang fingerprints nina suspendidong Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac, at Guo Hua Ping base sa resulta ng pagsusurî ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ito ang ibinahagí ni Sen. Risa Hontiveros nitóng Huwebes, at aniya nagpapatunay itó sa kanyáng hinalà na pekeng Filipino si Guo.
Sinabi pa ni Hontiveros na nagpapanggáp na Filipino si Guo para mapagtakpán ang mga krimen na iniuugnáy sa mga Philippine offshore gaming operator (POGO) hub.
BASAHIN: Alice Guo nagkakasakít daw dahil sa stress ng Senate hearing
BASAHIN: ‘Freeze assets’ ni Alice Guo, hirit ni Jinggoy Estrada sa AMLC
“Napakalakíng insulto itó sa mga botante ng Bamban, sa mga institusyón ng ating gobyerno, at sa bawat mamamayáng Filipino,” idiín ng senadora.
Dagdág pa ni Hontiveros, itá na ang pinakamalakíng ebidensya para palayasín na sa Pilipinas si Guo.
Hinilíng din niyá sa Office of the Solicitor General (OSG) na madaliín ang paghahain ng quo warranto case para mapanagót si Guo sa mga krimén.
Ngunit sinabi ni Hontiveros na magpapatuloy ang pag-iimbestigá para alamín ang puno’t dulo ng mga ilegál na aktibidád na iniuugnay sa mga POGO.