‘Freeze assets’ ni Alice Guo, hirit ni Jinggoy Estrada sa AMLC
METRO MANILA, Philippines — Pag-aralan dapat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang posibilidád na ipatupád ang “freeze assets” laban kay Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac, ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada.
Si Guo ay nasuspindé ng Office of the Ombudsman dahil pinayagan diumanó niyá ang pagpapatayó sa bayan niyá ng ilegál na Philippine offshore gaming operator (POGO) hub.
Ibinigáy ni Estrada ang payó nitóng Lunes dahil sa sunod-sunód na alegasyón at pagsulpot ng mga ebidensya laban kay Guo.
Dapat aniya na gawín ito ng AMLC para sa integridád ng pampúblikong pondo at mapanagót ang mga responsable.
Idiniín ni Estrada na mahalagá na makapagpalabás na ang AMLC ng freeze order upang hindí mailipat sa ibá ang mga ari-arian na sakop ng pag-iimbestigá ng mga awtoridád.
“Ang ganitóng hakbáng ay makatutulong upang magkaroón ng masusing imbestigasyón at malaman ang katotohanan sa likód ng kaliwá’t kanang akusasyón na may kinalaman diumanó ang lokál na opisyál sa iláng ilegál na aktibidád, kabilang ang money laundering,” sabi ng senador.
Maaari din, dagdag pa niyá, na magíng daán itó sa masusing imbestigasyón sa mga ilegál na aktibidád na isinasagawâ ng mga ilegál na POGO.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.