METRO MANILA, Philippines — Binawi na ng Office of the Ombudsman ang suspensyon ng 72 warehouse supervisors ng National Food Authority (NFA).
Ang mga ito ay nakatalaga sa mga bodega ng bigas sa Metro Manila, Iloilo, Antique, at Nueva Ecija.
Noong nakaraang Marso, pinatawan ng six-month preventive suspension ang 139 na opisyal at manggagawa ng NFA, kasama sina Administrator Roderico Bioco at Assistant Administrator for Operations John Robert Hermano.
BASAHIN: Senate probe sa pagbebenta ng bigas ng NFA pangungunahan ni Villar
Nag-ugat ang suspensyon sa pagkakabunyag sa pagbebenta ng rice buffer stocks sa mababang halaga ng walang public bidding at hindi aprubado ng konseho ng NFA.
Ang 23-pahinang resolusyon sa pagbawi sa suspension order ay pinirmahan ni Special Prosecutor and Officer-in-Charge Edilberto G. Sandoval kahapong Lunes, ika-13 ng Mayo.
Ipinaliwanag ng Office of the Ombudsman na ang pagsuspindi sa warehouse supervisors ay upang maalis lang ang pagduda na maiimpluwensiyahan nila ang imbestigasyon.