METRO MANILA, Philippines — Walang “new model agreement” sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay sa isyu sa Ayungin Shoal, ang sabi ni Gen. Romeo Brawner Jr., ang hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP), nitong Huwebes.
Idiniin ni Brawner na hindi papatulan ng AFP ang pahayag ng Chinese Embassy na sumang-ayon ang militar sa sinasabing bagong kasunduan para mabawasan ang tensiyon sa Ayungin Shoal.
Aniya hindi dapat bigyan pansin pa ang sinasabing naging pag-uusap ni Adm. Alberto Carlos, commander ng AFP Western Command (WesCom), at isang Chinese diplomat.
BASAHIN: Marcos walang balak na ipagamit water cannon laban sa China
BASAHIN: Delikado ang presyon ng water cannon ng China Coast Guard – PCG
Unang inanunsiyo ng Chinese Embassy na pumayag si Carlos sa “new model agreement” at ito ay may basbas ng mga matataas na opisyal ng gobyerno.
Sa audio recording, maririnig si Carlos sa kanyang pakikipag-usap sa isang Chinese diplomat at pinag-uusapan ang pagsasagawa ng rotation and resupply mission sa Ayungin Shoal, kung saan nakasadsad ang BRP Sierra Madre.
Sabi ni Brawner madaling gumawa ng audio recordings gamit ang “deep fakes.” At ang pahayag ng Chinese Embassy ay malinaw daw na panggugulo lamang at ang tanging motibo ay ilayo ang usapin sa mga agresibong galaw ng China sa WPS.