METRO MANILA, Philippines — Mula sa 50-50% noong Marso, nasa 70-30% na ngayon ang posibilidad na tumakbo sa pagka-alkalde ng Makati City sa 2025 si Sen. Nancy Binay.
Isa si Binay sa matatapos ang pangalawang termino sa Senado sa susunod na taon.
Ayon kay Binay may mga bagay pa siyang ikinukunsidera kayat hindi pa 100% ang kanyang pagsali sa mayoralty race sa Makati City.
Ang kanyang bayaw, si Makati City 2nd District Rep. Luis Campos Jr. ay nagpahiwatig na ng kanyang plano na palitan ang misis niya, si Mayor Abby Binay, sa eleksyon sa susunod na taon.
Sinabi ni Senator Binay na umaasa siya na sa nalalapit na panahon ay makaka-usap niya ang kanyang bayaw at ang nakakabatang kapatid na babae ukol sa kanilang mga planong pulitikal sa 2025.
Bukas din aniya siya na mamagitan sa pag-uusap ang kanilang ama, si dating Vice President Jejomar Binay.
Ngunit, ayon sa senadora, kapag naging 100% na ang kanyang pagkagusto na pamunuan ang Makati, wala ng makakapigil sa kanya kahit kapamilya pa ang kanyang makakalaban.