MANILA, Philippines — Binabalak ng Department of Agriculture (DA) na lagyan ng mga tatak ang mga lokal at imported na bigas para maiwasan na magkahalo-halo ang iba’t ibang klase nito, sabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa nitong Biyernes.
Bukod dito aniya, kasama sa tatak ang impormasyon ukol sa mga pagkakaiba ng lokal sa imported.
Aminado si De Mesa na may mga nagkakahalo na ibat-ibang klase ng bigas para mas mataas ang kita.
BASAHIN: Presyo ng bigas malabong bumaba dahil sa El Niño
BASAHIN: Taiwan toll system susi sa pagbaba ng presyo ng agri products – Magsasaka PL head
Sang-ayon naman dito si Raul Montemayor, ang national manager ng Federation of Free Farmers Cooperatives, dahil sa may mga dealer na nagsasalin sa ibang lalagyan ng imported at ibebenta ito bilang lokal na bigas para mas mataas ang kita.
Dagdag pa niya, mas mura sa ngayon ang imported base sa presyo nito sa pandaigdigang pamilihan, samantalang nagmahal ang lokal dahil sa pagtaas ng farmgate na presyo ng palay.
Ang imported na bigas ay nagkakahalaga ng P48 hanggang P54 kada kilogram, samantalang ang lokal na bigas naman ay nasa P48 hanggang P55 kada kilogram.