Sen. Imee Marcos kumalas na sa Alyansa ng pangulo

PHOTO: Imee Marcos FOR STORY: Sen. Imee Marcos kumalas na sa Alyansa ng pangulo
Sen. Imee Marcos —File photo mulâ sa Senate Public Relations and Information Bureau

METRO MANILA, Philippine — Tuluyan nang pinutol ni Sen. Imee Marcos ang kanyang ugnayan sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas matapos ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa pahayag ni Marcos nitong Miyerkules, ang kanyang desisyon ay base sa mga natuklasan niya sa pagdinig ng pinamumunuang Senate committee on foreign affairs ukol sa sinapit ni Duterte.

Magugunita na sa kalagitnaan ng pagdinig ay sinabi ni Marcos na isinuko ng gobyerno ang dating pangulo.

“Dahil dito, hindi ko na magagawang mangampanya at tumuntong sa iisang entablado kasama ang iba pang kasapi ng Alyansa,” sabi ni Marcos.

BASAHIN: Pag-aresto kay Duterte magdudulot lang ng gulo – Imee Marcos

Kamakailan, naging isyu ang hindi pagbanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nakakatandang kapatid sa campaign rally ng Alyansa sa Cavite.

Nang tanungin ang senadora sa kanyang reaksyon, sinabi nitong hindi na sila nagkaka-usap ng kapatid.

Samantala, tumanggi naman ang pounong ehekutibo nang tanungin sa hindi niya pagbanggit sa kanyang ate sa Alyansa rally.

Sa inilabas na pahayag ng kanyang opisina, sinabi ng senadora na simula pa lamang ng pangangampanya ikinukunsidera niya ang saril na independent bagamat kasama sa Alyansa ang kinaaaniban niyang Nacionalista Party.

Nakapagsagawa na ng 11 na campaign rally ang Alyansa at lahat ay dinaluhan ni Pangulong Marcos., samantalang hindi na sumipot ang kanyang kapatid sa huling tatlong rally sa Tacloban City at sa mga probinsiya ng Cavite at Laguna.

Read more...