
METRO MANILA, Philippines — Magtatalaga ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng karagdagang pulis sa mga lugar kung saan sisimulan ng mga kandidato sa mga lokal na posisyon ang kanilang kampanya.
Sa darating na Biyernes, ika-28 ng Marso, magsisimula ang pangangampanya ng mga kandidato simula sa pagka-kongresista hanggang sa pagka-konsehal ng lungsod o bayan.
“Ang NCRPO ay maglalatag ng isang komprehensibong security coverage upang matiyak na ang lahat ng aktibidad sa panahon ng kampanya ay magiging payapa at naaayon sa batas,” sabi ni NCRPO director Brig. Gen. Anthony Aberin.
Umapila si Aberin sa mga kandidato na makipagtulungan sa mga awtoridad upang maging ligtas at maayos ang kanilang pangangampanya.
Iginiit niya na ang pagtatalaga ng mga pulis at paghahanda sa seguridad sa Metro Manila ay pangangasiwaan ng Commission on Elections (Comelec).
Idinagdag ni Aberin na sasakupin na ng campaign security plan ang pagbabantay sa paggunita sa Kalakhang Maynila ng Semana Santa.