
METRO MANILA, Philippines — Tiwala ang mga kandidato ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas na makukuha ang 12-0 sa Metro Manila dahil sa suporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Kumpiyansa kami sa grupo ng Alyansa na ma-12-0 namin dito sa Metro Manila dahil unang-una, suportado kami ng Pangulo at ang programa ng Alyansa ay para talaga sa mga mahihirap na sambayanang Pilipino, at magkaroon tayo ng trabaho at hanapbuhay ang bawat pamilya,” sabi ni Alyansa senatorial candidate Manny Pacquiao .
Noong 2022 elections, nanalo si Marcos sa lahat ng 16 na lungsod at isang munisipalidad na bumubuo sa Metro Manila.
Sabi naman ni dating Sen. Panfilo Lacson na malaking tulong sa kanilang pangangampanya ang pagdalo ni Marcos sa kanilang malalaking campaign rallies — una sa Laoag City sa Ilocos Norte, na sinundan sa Iloilo City, at noong Sabado ay sa Carmen, Davao del Norte.
BASAHIN: Alyansa ng Lakas, PFP ang pinakamalakas – Romualdez, Revilla
Binaggit ni dating Sen. Vicente Sotto III naman na isinulong niya ang pagiging lungsod ng 10 munisapalidad sa Metro Manila.
“Noong last presidential election, if I’m not mistaken, the plresident swept all 17 cities and municipalities in Metro Manila. Overwhelming po ang tiwala na ibinigay sa ating pangulo. And of course, this is the president’s team, Alyansa,” sabi naman ni dating Interior Secretary Benhur Abalos.
Kumpiyansa naman si House Deputy Speaker Camille Villar na malaking bentahe na marami sa mga kapwa niya kandidato ay may kanya-kanyang balwarte sa Metro Manila
“The Alyansa is a really good complement — mayroong galing sa executive, mayroong galing sa legislative, at mayroong kanya-kanyang experiences that have somehow contributed to Metro Manila,” sabi naman ni Makati City Mayor Abby Binay.
Tiwala naman si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino na malaki ang makukuhang boto sa Metro Manila dahil marami siyang ikinasang mga kapaki-pakinabang programa at proyekto noong siya ang namumuno sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sabi naman ni House Deputy Speaker Erwin Tulfo na kumpiyansa sila na mananalo silang lahat sa Metro Manila, ngunit hindi rin sila dapat maging kampante.
“We are confident, but we don’t want to be complacent. Otherwise, kung sobrang kumpiyansa po ang Alyansa, wala ho sanang rally sa Metro Manila. Hindi na ho kami magra-rally sa Ilocos o Iloilo, lalo na sa Mindanao. Ibig sabihin ho, we are still courting the votes of the voters,” ani Tulfo.
Humarap ang mga naturang kandidato ng Alyansa sa isang press conference bago ang kanilang Metro Manila campaign kick-off rally nila sa Cuneta Astrodome sa Pasay City kaninang hapon ng Martes.
Ang iba pang kandidato ng Alyansa ay sina Sens. Ramon Bong Revilla, Pia Cayetano, Lito Lapid, at Imee Marcos.