METRO MANILA, Philippines — Labis na ikinalugod ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes ang hakbang ng Department of Health (DOH) kaugnay sa purchase discount booklet sa pagbili ng mga gamot ng senior citizen.
Sinabi ni Ordanes na matagal na niyang ipinanawagan niya sa DOH na maglabas ng kautusan para hindi na hanapin pa sa botika ang purchase discount booklet tuwing bibili ang senior citizens ng kanilang mga gamot.
Sa katunayan aniya, inaprubahan ni House Speaker Martin Romualdez ang House Resolution No. 253 noong nakaraang ika-25 ng Setyembre.
BASAHIN: Revilla, Legarda pinuri DOH memo ukol sa seniors discount booklet
BASAHIN: Purchase booklet di na kailangan sa pagbili ng seniors ng gamot – DOH
Ito, dagdag pa ni Ordanes, ay mula sa House Resolution No. 2031 na nagmula naman sa inihain niyang HR No. 1263 at sa HR No. 1252 ni Baguio City Rep. Mark Go.
Naaprubahan ang HR No. 2031 ng House senior citizens commitee, na pinamumunuan ni Ordanes, noon lamang nakaraang Setyembre.
“Magandang pamasko ang bagong kautusan ng DOH. Nakita ng DOH ang lohika ng ating ipinaglaban. Ngayon, reseta ang senior citizen’s ID na lang ang kailangang ipakita sa mga botika sa pagbili ng gamot at medical device,” sabi pa ni Ordanes.
Kasabay nito, pinasalamatan niya si Health Secretary Ted Herbosa sa pagpapalabas ng Administrative Order No. 2024 – 0017.