METRO MANILA, Philippines — Sinabi na ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na magi-inhibit siya sa pagdinig sa apila ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro.
Ito ay kapag natuloy ang paghahain ni Teodoro ng motion for reconsideration sa pagbasura ng Comelec 1st Division sa kanyang certificate of candidacy (COC) dahil sa “material misrepresentation.”
Naghain si Teodoro ng COC sa pagka-kongresista ng unang distrito ng lungsod ngunit hindi siya umabot sa “one year residency rule.”
BASAHIN: Manghihilot sa Laguna idineklarang ‘nuisance candidate’ ng Comelec
Nagsilbi bilang kinatawan ng naturang distrito si Teodoro ngunit lumipat ito ng tirahan sa ikalawang distrito ng lungsod.
Ayon kay Garcia, hindi siya makikisali sa deliberasyon sa en banc session ng mosyon ni Teodoro sa katuwiran na naging kliyente niya ang alkalde.
Dinagdag pa nito, maging ang naghain ng petisyon para idiskuwalipika si Teodoro na si Sen. Aquilino Pimentel III ay naging kliyente din niya.