Manghihilot sa Laguna idineklarang ‘nuisance candidate’ ng Comelec
By Jan Escosio December 03, 2024 - 12:20 PM
Idineklara ng Commission on Elections (Comelec) na “nuisance candidate” ang isang manghihilot sa Cabuyao, Laguna na naghain ng certificate of candidacy (COC) para sa pagka-kongresista.
Base sa desisyon ng Comelec 2nd Division, naghain ng COC si Dante Aguilar Hernandez para lituhin ang mga botante sa distrito sa pamamagitan nang paggamit sa palayaw na “Romeo.” Ang petisyon laban kay Dante Hernandez ay inihain ni Laguna Gov. Ramil Hernandez, na kakandidato rin sa pagka-kongresista sa ikalawang distrito ng lalawigan sa eleksyon sa susunod na taon. Nabatid na may petsang Nobyembre 26 ang resolusyon na pumabor kay Gov. Hernandez at ito ay pirmado nina Comelec 2nd Division Presiding Comm. Marlon Casquejo at Comms. Rey Buay at Nelson Celis. Nabatid na sa magkakahiwalay na sinumpaang-salaysay ng tatlong testigo na hindi kilala si Dante Hernandez bilang Romeo sa Barangay Bigaa, kung saan siya nagsilbing barangay tanod ng ilang taon. Anila, simula sa kanilang pagkabata ay hindi ginamit ni Dante Hernandez ang palayaw na Romeo. Nang kumandidato pa ito sa pagka-barangay kagawad noong nakaraang barangay elections, ang ginamit niyang pangalan ay Dante Hernandez. Base sa resolusyon ng Comelec, ang paghahain ni Dante Hernandez ng COC ay pang-iinsulto raw sa proseso para sa mga nais kumandidato sa halalan.Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.