METRO MANILA, Philippines — Hindi na papayagan pa ng House committee on good government and public accountability ang hindi pagharap sa pagdinig ng pitong matataas na opisyal ng Office of the Vice President (OVP).
Sa pagdinig ngayong Martes, nagpalabas ang komite ng panibagong subpoena ad testificandum para dumalo na sa pagdinig ang mga opisyal ng opisina ni Vice President Sara Duterte.
Ang mga opisyal na kinakailangan nang dumalo ay ang mga sumusunod:
- Zuleika Lopez, OVP chief of staff
- Lemuel Ortonio, assistant chief of staff at bids and awards committee chair
- Rosalynne Sanchez, administrative and financial services director
- Gina Acosta, special disbursing officer
- Julieta Villadelrey, chief accountant
- Sunshine Fajarda, dating DepEd asssistant secretary
- Edward Fajarda, special disbursing officer
BASAHIN: VP Duterte duda na sa pagkasa ng OVP projects sa 2025
Si Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Paduano ang nagpaalala na nagiging tuang komite sa mga opisyal at kailangan na ipatupad ang mga alintuntunin kaugnay sa hindi pagsipot sa pagdinig ng resource persons.
Sa tugon ng mga opisyal sa komite, kinuwestiyon nila ang hurisdiksyon ng komite gayundin ang huli nang pagbibigay sa kanila ng subpoena na inilabas noong nakaraang pagdinig.
Inaprubahan ni Manila 3rd district Rep. Joel Chua ang mosyon ni Paduano at sinuportahan ito ni Manila 6th district Rep. Benny Abante sa katuwiran na apat na beses nang hindi sumipot ang mga opisyal sa kabila ng imbitasyon at subpoena.