METRO MANILA, Philippines — May posibilidad na magkaroon ng klase ang mga estudyante tuwing araw ng Sabado bilang pambawi sa pagsuspindi sa mga klase dahil sa mga nagdaang bagyo, ayon kay Education Secretary Sonny Angara.
Isa din daw sa ikinukunsidera ang palawigin ang oras ng klase sa gabi.
Napakahalaga aniya ang make-up classes para makabawi sa kanilang pag-aaral ang mga estudyante.
“Sinasabi namin na maghanda na, na iyong iba, Saturday classes na, atsaka yung iba, baka kailangan evening dahil depende sa availability ng teachers, depende sa availability ng facilities,” ani Angara.
READ: Bakasyon ng mga public school teachers dinoble ni Angara
Sa pananalasa ng mga bagyong Julian, Kristine at Leon, umabot sa 20,860,818 na estudyante at 883,822 na teachers at nonteaching personnel ang naapektuhan, bukod pa sa 42,099 paaralan.
Sa ulat ng Department of Education (DepEd), sa Calabarzon ang may pinakamaraming araw na nasuspindi ang mga klase sa bilang na 26, simula lamang noong Agosto.
Ayon pa kay Angara, ikinukunsidera ang pakikipagkasundo sa mga pribadong paaralan sa usapin nang pagbabawas ng bilang ng mga estudyante sa ilang pampublikong paaralan sa pamamagitan nang pagbibigay ng vouchers.