METRO MANILA, Philippines — Kung magiging batas ang panukala na pag-amyenda ng Agricultural Tariffication Act, magkakaroon ng kapangyarihan ang secretary ng Department of Agriculture na magdeklara ng rice shortage at makialam sa. presyo ng bigas.
Inilatag na sa plenaryo ng Senado ni Sen. Cynthia Villar ang kanyang tampok na Senate Bill No. 2779.
Sa kanyang pag-sponsor sa bill , sinabi ni Villar nitong Martes na kabilang rin sa mga magiging probisyon ay ang pagpapalawig nito hanggang 2031, ang paglalaan ng P30 bilyon mula sa taripa ng aangkatin na bigas, at ang pagpapalakas sa Bureau of Plant Industry (BPI) ng DA.
BASAHIN: Price ceiling sa bigas hindi mauulit ngayon 2024
Aatasan ang BPI na ipa-rehistro ang lahat ng bodega ng bigas, ayon kay Villar.
Sinabi pa ni Villar, na namuuno sa Senate committee on agriculture, aatasan din ang DA na magbenta sa mga ospital at Kadiwa Centers ng mga lokal na bigas na bibilhin sa mga kooperatiba ng mga magsasaka.
Tuwing kapos ang suplay ng bigas sa bansa, papayagan ang DA na mag-angkat ng bigas gamit ang buffer fund nito at magtalaga ng tanggapan na mangangasiwa sa importasyon maliban ang National Food Authority (NFA).
Ang “expiring rice” ay kailangan na maipagbili apat na linggo bago ang expiration nito, at maari din ipagbawal ng pangulo ng bansa ang importasyon ng bigas o magtakda siya ng dami ng aangkatin na bigas kung sapat o sobra ang suplay ng butil sa bansa.