METRO MANILA, Philippines — Inamin ni dating presidential spokesperson Harry Roque na may interes siya sa bahay sa Tuba, Benguet kung saan nahuli ang dalawang banyaga na sinasabing may kaugnayan sa sinalakay na illegal Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Bamban, Tarlac.
Humarap si Roque nitong Lunes sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Ang bahay sa Tuba ay sinalakay kamakailan ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), kung saan nahuli sina Khuon Moeurn, 37, isang Cambodian national, at Wang Keping, isang Chinese national, 35,
BASAHIN: Seryoso ang pag-ugnáy kay Roque sa illegal POGO hub – Escudero
Ayon kay Roque ang bahay sa Pinewoods Subdivision ay pag-aari ng isang korporasyon, na kabilang siya sa mga nagmamay-ari.
Aniya pinaupahan ng korporasyon ang naturang bahay sa isang Chinese national.
Inamin din ni Roque na tinirahan niya ang bahay bago ito pina-upahan.
Pero itinanggi niya na may kaugnayan siya sa POGO, ilegal man o legal.