Seryoso ang pag-ugnáy kay Roque sa illegal POGO hub – Escudero
METRO MANILA, Philippines — Nararapat lamang na bigyáng linaw ni dating presidential spokesman na si Harry Roque ang pagbubunyág ni Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) Chairman Alejandro Tengco na may kaugnayan siyá sa sinalakay na Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Escudero, seryoso ang alegasyón na tinulungan ni Roque ang Lucky South 99 Oursourcing Inc., sa “reapplication” ng lisensya nitó sa Pagcor.
Isiniwalat ni Tengco na nagtungò sa kanyáng opisina si Roque kasama ang isang Cassandra Li Ong na opisyal ng naturang kompanyá.
Ang Lucky South 99 ang sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga kamakailán.
Dagdág pa ni Escudero, naniniwalà siyá na dapat ay paunlakán ni Roque ang ipapadaláng imbitasyón sa kanyá ng komité ni Sen. Risa Hontiveros upang magpaliwanag.
Itinanggí ni Roque na nagsilbí siyáng abogado ng Lucky South 99, bagamát idiniín ni Hontiveros na may mga dokumento ang komité na magpapatunay sa nagíng ugnayan ng datíng tagapagsalitâ sa POGO hub.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.