METRO MANILA, Philippines — Pinuna ni Sen. Risa Hontiveros ang Facebook posts ng nagtatagong suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
“Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping, mas marami pa kayong post sa Facebook kaysa sa attendance sa Senate hearing. Attendance before the Senate hearings is adherence to the rule of law,” paalala ni Hontiveros kay Guo.
Dagdag pa ng senadora, dapat ay tumbasan ni Guo ang bilang ng kanyang social media posts ang pagdalo sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
BASAHIN: Accountant ni Guo nais lumayà muna habang walâ pang hearing
BASAHIN: Bagong mga kama nakahandâ sa selda para kay Guo, pamilya
“Paano ka magkakaroon ng peace of mind kung palagi ka na lang iiwas sa mga tanong? Kung nakakalimutan mo, pinapatawag ka dahil nasa gitna ka ng pang-aabuso ng POGO sa mga batas natin, na hinayaan mong lumawak dahil sa impluwensya mo bilang mayor,” sabi pa ni Hontiveros.
“Nagsinungaling ka tungkol sa koneksyon mo sa POGO, nagsinungaling ka tungkol sa pagkatao mo, at kada log-in mo sa Facebook, may bago ka na namang iniimbento.”
Ilang araw ng hinahanap ng mga tauhan ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms si Guo, ang kanyang mga magulang, at mga kapatid matapos maglabas ng arrest order si Senate President Francis Escudero dahil sa hindi pagharap na mga ito sa komite sa kabila ng subpoena sa kanila.