METRO MANILA, Philippines — May bagong natuklasán si Sen. Risa Hontiveros na magpapatibay sa maaaring koneksyón ng Pharmally Pharmaceutical Corp. scandal sa mga ilegál na Philippine offshore gaming operator (POGO) hubs.
Sa isáng press conference nitóng Lunes, ibinahagì ni Hontiveros na isáng Hongjiang Yang ang nagkaroón ng financial transaction sa Baofuland Development Inc., isá sa mga kompanyá ni suspended Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac — o Guo Hua Ping.
Ayon sa senadora, si Yang ay kapatid ni Michael Yang, ang nagsilbing economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
BASAHIN: Ilegál na mga POGO may koneksyón ba sa isá pang scandal?
BASAHIN: Seryoso ang pag-ugnáy kay Roque sa illegal POGO hub – Escudero
Sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), lumalabás na may joint account sina Yang at Yu Zheng Can, na isá sa mga may-arì ng sinalakay na illegal POGO hub sa Bamban.
Nangangahulugán, sabi pa ni Hontiveros, na ginamit ang pera ni Yang sa pagpopondo sa Hong Sheng, ang nagtayo ng sinalakay na POGO hub.
Isá din sa mga may-ari ng Full Win Group of Companies si Hongjiang, na pag-aari ng kanyang kapatid, gayundin ang isang Gerald Cruz.
Si Cruz ay isa sa mga incorporator naman ng Brickharts Technology, na nadawít din sa naturang POGO hub.
Ayon pa sa senadora, si Cruz ay kabilang sa mga incorporator ng Pharmally Biological, na sinasabing may kaugnayan sa Pharmally Pharmaceutical, na nasangkót sa iskándalo noong administrasyong Duterte dahil sa overpriced na mga COVID-19 essentials.
Sabi ni Hontiveros na aalamín nilá kung konektado si Duterte sa mga sinalakay na mga illegal POGO hub.
Samantala, sinabi ni Raymond Fortun, abogado ni Yang, na hindí niyá kilala si Hongjiang at hindí niya alám na may kapatid ang kanyáng kliyente.