METRO MANILA, Philippines — Pagbutihin ang pagtuturò ng kasaysayan sa mga estudyante. Iyán daw ang bilin kay papasók na Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Angara, isá itó sa kaniláng mga napag-usapan ni Marcos nang ipatawag siyá sa Malacañang para sa kanyáng “job interview.”
Dagdág pa niyá, nais ni Marcos na mahikayat ang mga mag-aarál na isapusò ang kasaysayan ng bansâ at lubós itóng maunawaan at hindí lamang bastá sinasaulo.
Kabiláng naman sa mga prayoridád ni Angara sa pamumunò niyá sa DepEd ang pagsasa-ayos ng curriculum sa basic education, magíng ang pagpapagaán ng mga trabaho at responsibilidád ng mga gurô.
Sinabi pa nitó na ang lahát ng mga magagandáng programa na nasimulán ni outgoing Education Secretary Sara Duterte ay kanyáng ipagpapatuloy at paghuhusayin pa.
Binahagi din niyá na bagamát batíd niyá na malaking hamon ang kanyáng magiging bagong responsibilidád, tinanggáp niyá itó para lubós na maayos at mapagbuti ang sistemang pang-edukasyón sa Pilipinas.