METRO MANILA, Philippines — Matagál na ngunit puwede pang makain ang urì ng bigás na ibebenta sa Bigas 29 program sa Kadiwa Stores, ayon sa National Food Authority (NFA) Council.
Sinabi nitóng nakaraáng Martés ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel, na nagsisilbing chair ng NFA Council, ang programa ay ayon sa nais ng administrasyón ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. panatiliing mura ang mga pangunahing bilihin at makamit ang seguridád sa pagkain.
Ayon kay Laurel, target ng Bigas 29 program ay makapag-alók ng bigás sa solo parents, senior citizens, may kapansanan, at maging sa mga katutubo.
BASAHIN: P6-P7 kada kilo maaaring mabawas sa presyo ng bigás sa Hulyo
BASAHIN: Bigás, ibá pang pagkain bumabâ ang presyo – PSA
Tiniyák naman ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na magandá pa rin ang kalidád ng lumang bigás base sa resulta ng laboratory tests.
Idiniín niyá na hindi mag-aalók ang NFA ng “stock rice” na hindi na maaaring kainin. Tiniyák din niyá na waláng bigás na lumang-lumà na ang NFA.
Ipinaliwanag niya na ikinukunsiderá na lumà na ang palay kung ito ay nakaimbák na ng anim na buwán at tatlóng buwán namán ang bigás.