METRO MANILA, Philippines — Naghain ng resolusyón si Sen. Imee Marcos para sa nais niyíng pagdiníg sa diumano’y ikinasáng anti-COVID vaccine propaganda ng US military sa kasagsagán ng pandemya.
Binanggít ni Marcos sa kanyang Senate Resolution No. 1052 ang lumabás na ulat sa Reuters noong ika-14 ng Hunyo ukol sa alegasyón na sinadyâ ng US military na siraan ang Sinovac vaccines ng China dahil sa paninisí na nag-ugát ang nakakamatáy na virus sa Amerika.
Ang diumano’y hakbáng ng US ay para din mapigilan ang lumalawig na impluwensya ng China sa Pilipinas at ibá pang mga bansâ.
BASAHIN: ‘New wave’ ng COVID-19 cases, fake news – DOH
BASAHIN: DOH quarantine bureau susuriin mga biyaherong baká may COVID
Pinalabás pa diumano ng US military, ayon pa sa naturang ulat, na mga Filipino ang kumukuwestyón sa bisà ng Sinovac.
Ang Sinovac ang unang bakuna na ginamit sa Pilipinas makaraán ng halos isáng taón mulâ nang magsimulâ ang pandemiya.
Sinabí ni Marcos na, dahil sa pagdududa sa bisà ng mga bakuna, mababà ang vaccination rate noon sa Pilipinas.