METRO MANILA, Philippines — Gagamitin ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang higít sa P2 bilyon na inilabás ng Department of Budget and Management (DBM) para sa 110 bayan sa bansâ na waláng mga fire station at mga fire truck.
Ito ang sinabi nitóng Martes ng tagapagsalitâ ng BFP na si Fire Supt. Annalee Atienza, at aniya minamadalî na ng kanilang Bids and Awards Committee ang pagbilí ng mga kinakailangan para sa mga itatayóng pasilidád.
Dagdág pa niyá, prayoridád ng BF{ ang pagbilí din ng mga fire truck at personal protective equipment para sa mga bumbero.
BASAHIN: P1.747 bilyong pondo inilaan para sa BFP modernization program
Kasabáy nitó, sinabi din ni Atienza na magsasagawâ ang ahensya ng malawakang information campaign para maiwasan ang sunog ngayóng tag-ulán.
Ipinaliwanag niya na maaaring magíng mitsá din ang ulán sa sunog kapág nabasâ ang electrical system.
Mulá namán aniya noóng Enero hanggáng noóng nakalipas na ika-10 ng Hunyo nakapagtalâ na ng 10,996 mga insidente ng sunog sa bansâ na nagresulta sa pagkasawî ng 178 na katao.
Mas mataaá itó sa naitaláng 8,182 na mga insidente sa katulad na panahón noóng nakaraáng taón na ikinasawî ng 147 katao.