‘Invisible’: 3.7M na Filipino waláng birth certificate – Jinggoy Estrada

PHOTO: Jinggoy Estrada STORY: ‘Invisible’: 3.7M na Filipino waláng birth certificate – Jinggoy Estrada
Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada –File photo mula sa Senate Public Relations and Information Bureau

METRO MANILA, Philippines — May 3.7 na milyóng Filipino ang waláng birth certificate, at isáng panukalang batás ukol sa late registration na inihain ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ay baká maremedyuhán itó.

Ngunit para iwas-abuso, nais ni Estrada na pagtibayin ang proseso sa late birth registration.

Inihain ni Estrada ang Senate Bill No. 2073 — ang panukalang Delayed Registration of Birth Act — para din mapabigát ang parusa sa pagbibigáy ng mga malíng impormasyon sa  birth certificate.

Pinaliwanag niyá na sa ganitóng paraán ay matitiyák na tunay ang birth certificate at ang mga nilalamán nitong detalye.

BASAHIN: Habambuhay na ang bisá ng birth, death, marriage certificates

Binanggít ng senadór na 3.7 na milyóng Filipino ang waláng birth certificate dahil hindí kaya ang mga bayarín, kawalán ng oras, at ang kakulangán sa impormasyón na dapat ay iparehistro ang kakapanganák na batà.

Ang mga itó aniya ay maituturing na “invisible” ayon sa United Nations.

Dagdág pa niyá na ang kanyáng panukalà ay base sa Joint Memorandum Circular No. 2021-01 — o ang  Revised Guidelines for Delayed Registration of Birth — na inilabás ng  Department of the Interior and Local Government at ng Philippine Statistics Authority (PSA) noóng 2021.

Aniya, sakop ng kanyáng panukalang batás ang mga legitimate at illegitimate na mga batà.

Read more...