METRO MANILA, Philippines – Ikinulóng ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) ang dalawáng traffic aide ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa ilegál na paggamit ng mga sticker na may PNP insignia.
Ayon kay sa hepe ng HPG, Col. Neil Francia, nadiskubre sa imbestigasyón na ang dalawáng traffic aide say kabilang sa security detail ni Senate Majority Leader Francis Tolentino.
Ang mga motorsiklo raw ng dalawang aide ay may mga stickers na ang nakasulat ay “POLICE” at “Master Rider’s Badge.”
Samantala, sinabi ni Tolentino na ang mga PNP sticker ay madalíng nabibilí at aniya dapat itong maimbestigahan.
BASAHIN: Convoy ni Sen. Bong Revilla Jr., dumaan sa EDSA busway – MMDA
BASAHIN: Negosyante nagpanggap na taga-MMDA nalambat
Sinabi pa ng senadór na ang mga motorsiklo ay pag-aari ng MMDA at wala siyáng kontról kung anumán ang idikít sa mga motorsiklo nitó, magíng sa mga helmet o belt ng mga tauhan nitó.
Paliwanag pa ni Tolentino, na isang abogado, waláng nalabág na batás ukol sa insignia dahil ang mga sticker ay hindi namán nakadikít o nakalagáy sa uniporme ng dalawáng traffic aide.
Ikinabahala lang niyá ang nagíng epekto ng pagkulong sa dalawá, na nakilalang sina Teofilo Padilla, 64, at Jonathan Pacle, 42.
Ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) ang pagpapalaya sa dalawá dahil sa kakulangán ng sapát na ebidensiya.
Mismong ang HPG na rin ang nagkumpirma na “authorized” ang dalawáng traffic aide.
Inatasan na rin aniya niyá ang MMDA na alisin ang anumaáng sticker na pandekorasyón lamang sa kaniláng mga kagamitán at tiyakín na susunód sa lahát ng mga regulasyón.
Humingi na rin ng paumanhín si Tolentino sa publiko hinggíl sa pangyayari.