METRO MANILA, Philippines — Ang pagtanggál sa posisyón ng 35 na pulís sa Davao City dahil sa pagkamatáy ng pitóng drug suspects nung nakaraáng Marso ay “administrative relief” lang at “normál” na ginagawâ sa mga alagad ng batás na iniimbestigahán — saán man silá nakatalagá, magng sa headquarters ng Philippine National Police (PNP).
Itó ang pahayág ni Col. Jean Fajardo, ang tagapagsalitâ ng PNP, kahapong Lunes sa isáng press conference sa Camp Crame sa Quezon City.
Ayon kay Fajardo, ang hakbáng ay rekomendasyón ng Regional Internal Affairs Service (RIAS) ng Davao Region Police Regional Office (PRO 11).
BASAHIN: Pulis itinuro sa pagpatay sa Leyte barangay chairman
BASAHIN: 6 pulis-Maynila sibak dahil sa hold-up shooting viral video
Yung pitóng drug suspects ay namatay sa police operations na isinagawâ noóng ika-25 at 26 ng Marso.
Unang binatikos ni Davao City Mayor Sebastian Duterte ang ginawâ sa 35 na pulís na kabilang si Col. Richard Bad-ang, ang hepe ng Davao City Police Office.
“Hindi ito ibig sabihin na guilty na itong ating 35 PNP personnel,” ani ni Fajardo.
Dagdág pa niyá, mabibigyán pa ang mga itó ng pagkakataóng saguitin ang mga alegasyon laban sa kanilá.
Maaarì pa rin siláng ibalik sa dating puwesto kung lalabás sa imbestigasyon na inosente silá sa mga alegasyón at pagdududa.