‘Magnificent 7’ nabuô sa Senado matapos ang leadership coup
METRO MANILA, Philippines — Sinabi ni Sen. Juan Miguel Zubiri na pag-uusapan pa ng sarili niyang grupo ng mga senador ang kanilang mga balak gawíng hakbag sa pagpapalit ng liderato ng Senado.
Ayon kay Zubiri ang tiyák sa ngayón ay nabuô ang “Magnificent 7” matapos siyang palitán ni Sen. Francis Escudero bilang Senate president noóng Lunes.
Ang tinutukoy ni Zubiri na Magnificent 7 ay sina Sens. Loren Legarda, Nancy Binay, Joel Villanueva, JV Ejercito, Sherwin Gatchalian, at Sonny Angara — na mga hindi pumirma sa resolusyón ukol sa pagpapalít ng liderato sa Senado.
BASAHIN: Marcos suportado si Senate President Escudero
BASAHIN: Malacañang walang papel sa pagpalít ng Senate president
Sinabi pa ni Zubiri na sa ngayón sila ay mga “independent senators” kayát hindi masasabi na kaalyado sila ng 15 pang mga senador na sumuporta kay Escudero.
Nagbitíw na rin sa kanya-kanyang komité sina Binay at Angara.
Samantala, sa isang panayám, sinabi ni Binay na ipinagtaká niya ang paghingî ng paumanhín at pagpapaliwanag ng ilán sa mga senador kay Zubiri matapos itong bumabâ sa puwesto.
Paliwanag ni Binay, kung may nagawang malî si Zubiri sa ilán sa kanilang mga kasamahan, palaisipán sa kanyá kung bakit ang mga itó ang mga humingi ng paumanhín at nagpaliwanag.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.