METRO MANILA, Philippines — Mayroon nang rekomendasyon na patawan ng kaparusahan si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez dahil sa kanyang “seditious remarks” tungkol kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay inanunsiyo ng House Committee on Ethics and Privileges nitong Miyerkules. Ngunit tumanggi ang committee vice chairperson na si Ako Bicol Party-list Rep. Raul Bongalon na ibahagi ang rekomendasyon dahil hindi traw siya awtorisado na isapubliko ito.
Dagdag pa niya ang kanilang rekomendasyon ay kailangan nang aprubahan sa plenaryo ng Kamara.
BASAHIN: Sedition charge vs ex-Speaker Alvarez ‘wag ituloy – Pimentel
Inimbestigahan ng komite ang reklamo kay Alvarez na “disorderly behavior.”
Ito ay pagkatapos naghain ng reklamo sa Ethics Committee si Tagum City Mayor Rey Uy laban kay Alvarez dahil sa panghihikayat sa Armed Forces of the Philippines na talikuran na si Marcos, ang kanilang commander-in-chief.
Nangyari ito sa isang prayer rally sa Tagum City noong ika-14 ng Abril.
Naimbestigahan din ng komite ang madalas na pag-absent ni Alvarez at ang kanyang mga mapanirang pahayag laban sa ilang opisyal ng Davao del Norte.