METRO MANILA, Philippines — Nagpahayág ng pagsuporta si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Senate President Francis “Chiz” Escudero nitóng Martés.
Kinilala ni Marcos ang karanasán at kahusayan ni Escudero bilang mambabatas.
Kumpiyansa raw ang pangulo na sa pamumunò ni Escudero sa Senado patuloy na magiging prayoridad ang mga panukalang-batas na sumusuporta sa isinusulong na mga programa ng administrasyon para sa tunay na pagbabago sa ilalim ng Bagong Pilipinas campaign.
BASAHIN: Malacañang walang papel sa pagpalit ng Senate president
BASAHIN: Escudero pumalit kay Zubiri bilang Senate president
Pinurì din ni Marcos si Sen. Juan Miguel Zubiri, na pinalitán ni Escudero, sa pamumunò nito sa Senado ng halos dalawang taon.
Nagbitíw si Zubiri sa puwesto at nahalál naman ng mayorya ng mga senador si Escudero bilang bagong Senate president.
Sumunod na nagbitíw sa kani-kanilang posisyon at komité sina Sens. Loren Legarda bilang Senate president pro tempore, Joel Villanueva bilang majority leader, Nancy Binay bilang chair ng tourism at accounts, Sonny Angara bilang chair ng finance at youth, at JV Ejercito bilang chair ng local government at housing.
Itinalagâ naman ni Escudero si Sen. Jinggoy Estrada bilang bagong Senate President Pro Tempore at si Sen. Francis Tolentino ang bagong majority leader at chairman ng Committe on Rules, samantalang Committee on Accounts ang pamumunuan na ni Sen. Alan Peter Cayetano.