METRO MANILA, Philippines — Nakikipag-ugnayan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa National Economic Development Authority (NEDA) at sa Philippine Statistics Authority (PSA) para sa pagpapatupad ng ng automatic adjustment sa ayuda sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon sa pahayag ni Social Welfare Assistant Secretary Irene Dumlao nitong Biyernes, nais ng DSWD na makahanap ng tamang pamantayan para sa automatic adjustments sa ayudang pinansiyal.
Paliwanag niya, layon nito na makasabay ang ayuda sa sitwasyon ng ekonomiya ng bansa, lalo na sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
BASAHIN: Government ayuda scams sa LGUs ibinuking ni Sen. JV Ejercito
BASAHIN: Implementasyon ng 4Ps, pinapa-calibrate ni Pangulong Marcos
Ito rin aniya ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maging kapaki-pakinabang nang husto ang ayuda sa mga benepisyaryo.
Sabi pa ni Dumlao, nais din ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na isa sa mga dapat na maging batayan ng pagtaas ng halaga ng ayuda ang inflation — ang bilis ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo.
Sa ilalim ng An Act Expanding the Pantawid Pamilyang Pilipino Program (Republic Act No. 11310), ang isang pamilya ay tatanggap ganitong ayuda kada buwan:
- P750 para sa health and nutrition
- P650 na rice allowance
- P300 para sa bawat anak na nag-aaral sa elementary
- P500 sa bawat anak na junior high school student
- P700 naman sa bawat anak na nasa senior high school