MANILA, Phillippines — Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) na pag-aralan ang umiiral na minimum wage rates sa mga rehiyon.
Sa kanyang mensahe sa Labor Day celebration sa Malacañan, hiniling niya sa mga RTWPB na isalang-alang ang kondisyon ng ekonomiya, lalo na ang halaga ng mga bilihin at serbisyo, sa gagawin nitong pag-aaral.
Nais ng pangulo na 60 araw bago ang anibersaryo ng huling nailabas na wage hike order ay maisagawa ng mga RTWPB ang pag-aaral sa minimum wage base sa epekto naman ng inflation.
BASAHIN: P100 wage hike banta sa job security, benefits – traders’ groups
BASAHIN: DOLE pinuna ni Chiz sa pagkontra sa P100 wage hike
Mandato ng mga RTWPB na magtakda ng minimum wage rate sa ibat-ibang rehiyon.
Bukod dito, pinatitiyak ni Marcos sa National Wages and Productivity Commission na napapatupad ng mga RTWPB ang kanilang mandato, kasama na ang regular na wage review para sa kapakanan ng lahat ng mga nasa sektor ng paggawa.
Umapila rin si Marcos sa Kongreso na suportahan nito ang mga programa ng kanyang administrasyon na lumikha ng maraming trabaho.