Exemption ng bentahan ng NFA rice hiniling ng DA sa Comelec

METRO MANILA, Philippines — Inihirit ng Department of Agriculture (DA) sa Commission on Elections (Comelec) na bigyan ng exemption sa election ban ang pagbebenta ng mga lokal na pamahalaan ng bigas mula sa National Food Authority (NFA).
Sinabi ni Agriculture Secretary Francis Tiu-Laurel na ang apila sa Comelec ay bilang pagsuporta sa posisyon ng mga lokal na pamahalaan na magbebenta ng NFA rice ng P33 hanggang P35 kada kilo.
“Humingi kami ng tulong sa kanila na iyong mga nag-a-apply na LGUs ay mabigyan nila ng exemption,” ani Tiu-Laurel
BASAHIN: NFA rice ikakalat sa Metro Manila LGUs
Ang pagbebenta ng LGUs ng murang bigas ay alinsunod sa idineklarang food security emergency for rice.
May 67 na lokal na pamahalaan na ang nagpahiwatig na bibili ng NFA rice para makatulong sa kanilang lokalidad.
Nakasaad sa Comelec Resolution No. 11060 na ipinagbabawal ang pagpapalabas ng pondo para sa pagbibigay ng social services 45 na araw bago ang eleksyon sa Mayo 12.
Una nang binigyan ng exemption sa election ban ang ilang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasama ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP), Walang Gutom Program (WGP), at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.