Mga tropang Pinoy sa WPS natuwa sa Christmas packages
METRO MANILA, Philippines — Hindi binulabog ng Chinese Coast Guard (CCG) ang pagpapadala ng Christmas packages sa mga sundalong Filipino na nagbabantay sa ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Ito ang sinabi ni Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, ang Philippine Navy spokesperson for West Philippine Sea (SEA) kayat naging matagumpay ang mga isinagawang rotation of troops and reprovisioning of forces (RORE) noong ika-3 hanggang ika-14 ng Disyembre.
Isinagawa ang mga RORE ng AFP Western Command gamit ang Philippine Navy vessels.
BASAHIN: Tolentino sa DFA: Magpatulóng sa ICRC sa WPS resupply mission
Aniya mataas ang morale ng mga sundalong Filipino na nagbabantay sa Ayungin Shoal, Pag-asa Island, Rizal Reef, Patag Island, Pamata Island, Kota Island, Lawak Island, Parola Island at Likas Island.
Sinabi pa ni Trinidad na ang pagbibigay ng Noche Buena packages sa mga sundalo ay munting paraan ng pasasalamat ng hukbo sa mga sundalong nagbabantay sa teritoryo ng Pilipinas.
Nabatid na may dalawang CCG vessels ang sumubaybay sa pagsasagawa ng RORE missions sa Ayungin Shoal ngunit hindi naman nakialam ang mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.