Pag-uusap ng OVP, House budget sponsor kinumpirma
METRO MANILA, Philippines — Makikipag-usap si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa Office of the Vice President para plantsahin ang mga gusot sa pagitan mga mambabatas ng Kamara at ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa pondo ng opisina sa 2025.
Kasunod na rin ito nang pag-anunsiyo ni vice presidential spokesman Michael Poa na makikipag-ugnayan sila kay Adiong, ang tatayong sponsor ng 2025 budget ng OVP sa plenaryo ng Kamara.
Sinabi ni Adiong na dapat mapag-usapan ang mga programa at proyekto ni Duterte na kailangan mapondohan para maidepensa niya ang mga ito sa mga kapwa mambabatas na kinukuwestiyon o nais malinawan sa naging paggasta ng pondo ng OVP.
BASAHIN: Hontiveros ipinagtanggol ni Escudero sa pag-usisa sa OVP budget
Nabatid ng Radyo Inquirer na sandaling nakapag-usap sina Duterte at Adiong matapos ipagpaliban sa ika-10 ng Setyembre ang deliberasyon sa pondo ng OVP.
Sinuspindi ang deliberasyon bunsod na rin ng pagtanggi ni Duterte na sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas ukol sa paggamit niya ng pondo ng kanyang opisina.
Samantala, walang naibigay na petsa si Poa ng pakikipag-usap nila kay Adiong, ngunit aniya, mangyayari ito bago sumapit ang ika-10 ng Setyembre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.