Suplay ng tubig sa Metro Manila normal sa buong buwan ng Mayo sa kabila ng pagbaba ng water level sa Angat dam
Normal pa ang suplay ng tubig sa mga residente sa Metro Manila na nagmumula sa Angat dam.
Ito ay sa kabila ng pagbaba na sa low level ng antas ng tubig sa Angat dahil sa kawalan ng pag-ulan na nararanasan bunsod ng umiiral na weak El Niño.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni National Water Resources Board Executive Director Dr. Sevillo David Jr., kahit patuloy sa pagbaba ang water level sa Angat dam ay mananatiling normal ang isusuplay nitong tubig sa Metro Manila sa buong buwan ng Mayo.
Mayroon naman aniyang technical working group na nag-aaral sa posibilidad ng pagbabawas ng alokasyon sa domestic use sa NCR para sa buwan ng Hunyo.
Dahil dito, ayon kay Sevillo, walang dapat na ipag-aalala ang mga residente sa Metro Manila sa posibilidad ng pagkakaroon ng water shortage ngayong buong buwan ng Mayo.
Pero ang suplay ng tubig sa irigasyon ay babawasan na ayon kay Sevillo simula sa May 1 at tatagal hanggang May 15.
Pagsapit naman ng May 15 ay tuluyan nang sususpindehin ang suplay sa irigasyon dahil sa nasabing petsa ay umpisa na ang panahon ng anihan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.