Sa India: Lalake patay matapos higupin ng MRI machine ng ospital

 

Nasawi ang isang 32-anyos na lalake matapos itong higupin ng Magnetic Resonance Imaging o MRI machine sa loob ng isang ospital sa Mumbai, India.

Nakilala ang nasawing biktima na si Rajesh Maru, na hindi na nagawang maisalba pa ng mga doktor ang buhay sanhi ng matinding internal bleeding na tinamo dulot ng trahedya.

Ayon sa imbestigasyon, sinamahan lamang ng biktima ang kanyang may-edad na kamag-anak sa BYL Nair Charitable Hospital upang sumailalim sa MRI.

Habang may dalang oxygen cylinder na gamit ng kanyang kaanak, pumasok si Maru sa loob ng MRI room kaya’t buong puwersa itong hinigop ng MRI machine.

Dahil sa lakas ng puwersa, humampas ang katawan ng biktima sa loob ng makina na nagdulot ng internal injuries dito.

Mariing ipinagbabawal sa loob ng MRI room ang anumang uri ng bakal dahil maari itong higupin ng magnet ng makina.

Gayunman, ayon sa kamag-anak ng biktima, ipinag-paalam pa ni Maru sa staff ng MRI room kung maaring ipasok ang oxygen cylinder sa loob ng kuwarto.

Pumayag naman umano ang mga staff sa dahilang hindi pa naka-‘on’ ang makina.

Gayunman, laking gulat ng lahat nang biglang higupin ng MRI machine si Maru na siya nitong agad na ikinasawi.

Dahil sa trahedya, kinasuhan ng mga kaanak ng biktima ang staff ng ospital dahil umano sa kapabayaan ng mga ito.

Read more...