Bago umalis kanina sa U.S, isang paalala ang iniwan ni Pope Francis para sa mga opisyal ng pamahalaan sa America partikular na sa mga estado kung saan ay legal ang same-sex marriage.
Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ng Papa na dapat ay irespeto ang karapatang-pantao ng isang government official kung tuma-tanggi man ito na magbigay ng lisensya para sa pagpapakasal ng mga taong may kaparehas na kasarian.
Ipinaliwanag ni Pope Francis na hindi dapat pilitin ng sinuman ang isang tao na gampanan ang isang bagay na lihis sa kanyang paniniwalang espiritual.
Kamakailan ay naging malaking isyu sa State of Kentucky ang pagpapakulong kay Kim Davis makaraan siyang tumanggi na magbigay ng marriage license sa isang homosexual couple.
Umani ng batikos kapwa sa mga pro at anti-same sex marriage ang naging tugon ng Supreme Court ng Kentucky sa kaso ni Davis.
Pati sa mga debateng may kaugnayan sa eleksyon sa U.S ay pinag-uusapan ang kaso ni Davis at ito ang bitbit na isyu ng Republican candidate na si Mike Huckabee na isang Apostolic Christian.
Sa kanyang pag-alis sa U.S ay muling binigyang-diin ni Pope Francis ang matinding pagbatikos sa kaso ng mga pari na sangkot sa ibat-uri ng pagsasamantala kabilang na ang pang-aabuso sa mga bata.
Umepela rin ng panalangin ang Papa sa mga katoliko na ipanalangin ang kanilang mga lider-simbahan para mas higit nilang magampanan ang kanilang tungkulin na pag-akay sa anya’y mga naliligaw ng landas.
Kanina ay pormal nang tinapos ng lider ng simbahang katolika ang kanyang 10-day trip sa Cuba at U.S.