LP, nagdidiwang sa pagtaas ng rating ni Mar Roxas sa Pulse Asia Survey

Mar-Roxas
Inquirer file photo

Maituturing na raw na”unstoppable” si Liberal Party Standard Bearer Mar Roxas. Ito ang paniniwala ng ilang mga mambabatas na taga-LP na tuwang-tuwa sa pagtaas ng ratings ni Roxas sa latest survey ng Pulse Asia.

Sa naturang survey ay nangunguna pa rin si Senadora Grace Poe pero sinundan na ni Roxas, habang pumangatlo naman si Vice President Jejomar Binay at pang-apat si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Ayon kay Cavite Rep. Francis Gerald Abaya, malinaw na umaariba na si Roxas at mahirap na itong pigilan pa.

Ani Abaya, nakita na raw kasi ng mga tao ang pangangailangang maituloy ang “Tuwid na Daan” program ng pamahalaan at si Roxas umano ang “best person” para ipagpatuloy ito.

Hindi na rin daw masosorpresa si Abaya kung magna-number one si Roxas lalo na kapag nagkapaghain na siya ng certificate of candidacy o COC.

Sa panig naman ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone, ang ratings ni Roxas sa Pulse Asia maging sa Social Weather Stations o SWS ay nagbabasura sa propaganda ng oposisyon na hindi winnable candidate si Roxas.

Nalagpasan na rin daw ni Roxas ang mga negatibong persepsyon laban sa kanya na nakikita sa mga lumulutang na surveys ngayon.

Pero para kay Paranaque Rep. Gus Tambunting, tiyak aniya na may mga movement na aasahan sa surveys, kaya huwag munang maging kampante ang mga taga-LP, maging ang kampo ni Senador Poe.

Sinabi ni Tambunting na maaaring may umangat o bumaba sa surveys at magiging pabor ito kay Vice-President Binay.

Muli ring ipinaalala ni Tambunting na hindi kayang i-predict ng surveys ang anumang resulta ng eleksyon.

 

Read more...