Nakatakdang magsampa ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ng kasong plunder laban sa ilang opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ng VACC, hindi pa pinal ang listahan ng mga respondents ngunit kasama aniya bilang “persons of interest” sina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating Health secretary Janette Garin.
Matatandaang nadadawit sina Aquino at Garin sa maanomalyang P3.5 billion-peso dengue vaccination program ng nakaraang administrasyon.
Maliban dito, dalawa pa aniyang persons of interest ang nadagdag sa inisyal na listahan ngunit itinanggi na itong pangalanan ni Topacio.
Aniya, tapos na halos lahat ng affidavits ng kanilang mga witness para sa naturang kaso.
Dagdag pa nito, nakakita ang VACC ng karagdagang paglabag sa batas laban sa mga respondents sa isinagawang imbestigasyon.
Ihahain aniya ang reklamo sa Department of Justice isa o dalawang linggo simula ngayong araw.