DOLE, dapat bumuo ng contingency plan para sa mga maaapektuhang OFW sa Kuwait – Sen. Villanueva

Pinayuhan ni Senador Joel Villanueva ang Department of Labor and Employment (DOLE) na bumuo ng contingency plan para sa mga maaapektuhang overseas Filipino workers (OFW) ng deployment ban sa Kuwait.

Aniya, dapat maging handa ang gobyerno na matulungan ang mga mapapauwing OFW mula sa naturang bansa.

Suportado aniya nito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa posibleng pagpapatupad ng deployment ban sa Kuwait dahil sa mga napapabalitang pang-aabuso sa mga manggagawang Pilipino.

Base kasi aniya sa mga report ng DOLE, aabot sa 1,447 ang bilang ng mga kaso ng pangmamaltrato, 2,959 na kaso ng contract violation, 227 sa sexual abuse at 63 naman sa kasong rape noong 2016.

Dahil dito, tinawag din ni Villanueva ang pansin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), at Department of Foreign Affairs (DFA) na gumawa ng dobleng aksyon para protektahan ang mga kababayang nakikipagsapalaran sa ibang bansa.

Read more...