Lalaking galing sa lamay, patay sa pananambang sa Tagbilaran City

Patay ang isang lalaki na nanggaling sa isang lamay sa Barangay Dao, Tagbilaran City sa Bohol matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek.

Kinilala ang biktima na si Ibrahim Dimarundao, na binaril ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo habang naglalakad pauwi sa Sitio Lanao sa naturang barangay.

Nangyari ang insidente pasado alas-3:00 nang madaling araw ng Biyernes.

Narinig pa ng mga kapitbahay nila ang mga putok ng baril, at kabilang sa mga nakarinig ay mismong ang kaniyang kinakasama na si Laila Cadago.

Nang sumilip ang magkakapitbahay, nakita na lang nilang duguan at nakahandusay na sa lupa si Ibrahim.

Labis naman ang paghihinagpis ng ina ni Ibrahim na si Leonita sa pagkamatay ng kaniyang bunsong anak lalo’t malapit na rin ang kaniyang kaarawan.

Nagtamo si Ibrahim ng limang tama ng bala sa kaniyang ulo at katawan, dahilan para masawi habang nasa daan patungo sa Governor Celestino Gallares Memorial Hospital.

Nananawagan naman ng hustisya si Cagado lalo’t wala naman silang alam na may kaaway ang kaniyang kinakasama.

Sa ngayon ay hindi pa natutukoy ng mga pulis ang mga suspek pati na ang motibo sa likod ng pagpatay.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga pulis ang nasabing insidente.

Read more...