Banta ng ISIS kay Pangulong Duterte ikinabahala ng mga otoridad sa India

Ikinabahala ng mga otoridad sa India ang banta umano ng Islamic State kay Pangulong Rodrigo Duterte na ngayon ay dumadalo sa ASEAN-India Commemorative Summit kasama ang iba pang ASEAN leaders.

Sa ulat ng “The Print” sa New Delhi, may mga natangagap na intelligence report ang mga otoridad na nasa radar ng Islamic State si Duterte dahilan para mas paigtingin ang seguridad sa Republic Day celebration na dadaluhan ng 10 ASEAN leaders kasama si Duterte.

Nakasaad sa ulat na ang pagkilos ng administrasyong Duterte laban sa Islamist extremism sa Mindanao, at ang pagkakapatay kay Isnilon Hapilin ang dahilan kaya may binuong grupo ang ISIS para magplano ng pag-atake.

Maliban kay Duterte, ang iba pang ASEAN leaders ay dadalo din sa Republic Day parade.

Nakasaad din sa ulat na nagpatupad na ng mas pinaigting na security measures ang mga otoridad upang mapigil ang anumang tangkang pag-atake.

Kabilang din sa tinanggap na intelligence report ng mga otoridad na mayroong teroristang grupo na gagamit ng makabagong improvised explosive device (IED) na gawa sa China.

Mahirap umano i-detect ang IED gamit ang standard explosive detectors.

Itinuturing ngayon ng mga otoridad sa New Delhi na mataas ang banta sa pagdiriwang Republic Day lalo pa at 10 lider mula sa iba’t ibang bansa ang kailangang protektahan.

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...