Planong gawing tourist spots ng militar ang Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Ayon kay Western Mindanao Command Commander Major General Carlito Galvez Jr., mula sa dating terrorist hotspots, posibleng dayuhin ng mga turista ang mga nabanggit na lugar kung mauubos na ang mga teroristang Abu Sayyaf.
Kumpiyansa si Galvez na matutupad ito sa nalalapit na panahon lalo pa at sumuko na ang aabot sa 148 miyembro ng Abu Sayyaf noong nakaraang taon.
Ayon kay Major Gen. Galvez, ang mass surrender ng mga terorista ay nagsimula nang magpatupad ang Wesmincom ng mas pinaigting na military operations sa mga lalawigan ng Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.
Ayon kay Galvez, mula January 1, 2017 hanggang December 31, 2017, nasa 70 Abu Sayyaf na ang sumuko sa mga tropa sa Basilan, 53 naman sa Sulu, at 21 sa Tawi-Tawi.
Sa unang buwan palang aniya ng 2018 ngayong Enero, tatlong Abu Sayyaf members sa Sulu at isa sa Basilan ang sumuko sa Joint Task Forces sa ilalim ng WestMinCom.
Kasama sa mga huling sumuko nito lamang January 21, 2018, sa Barangay Kanaway, Parang, Sulu ang mga followers ni ASG sub-leader Idang Susukan na sina Tarun Uhad Ismael , 63, at Makdar Jikiri, 25; at ang tauhan naman ni Abu Sayyaf sub-leader Maradjan Hadjiri na si Reymal Abe Majan.