DOLE, handa sa oras na ipatupad ang deployment ban sa Kuwait

 

Tiniyak ng pamahalaan na hinda sila nagpapadalus-dalos sa pagdedesisyon tungkol sa posibilidad ng total deployment ban para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa bansang Kuwait.

Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III, handa ang gobyerno sa posibleng pagdagsa ng mga mag-uuwiang mga OFW mula Kuwait sakaling maipatupad nga ang ipinapanukalang total deployment ban.

Ani Bello, umaasa siyang hindi ito mangyayari, pero kung sakali man na matuloy ito ay makapagbibigay naman sila ng mga alternative employment para sa mga maaapektuhan ng nasabing polisiya.

Inihalimbawa na lang ni Bello ang China bilang isa sa mga maaring puntahan ng mga OFWs, habang maari namang magtrabaho din sa Canada o United Kingdom ang mga Pinoy medical professionals sa Kuwait na maaapaktuhan ng total deployment ban.

Ayon kay Bello, walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na magpatumpik-tumpik sa pagdedeklara ng total ban sa pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait kung magkakaroon ng isa pang kaso ng pagmamalabis o pangmamaltrato sa isang Pilipino sa naturang bansa.

Samantala, iniimbestigahan naman na ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ang mga kahina-hinalang pagkamatay ng pitong Pinay sa Kuwait na nagtulak kay Bello na suspindehin ang pagpapadala ng mga bagong OFW doon.

Kaugnay nito, tinanggihan ng DOLE ang apela ng pamahalaan ng Kuwait na alisin na ang suspensyon sa OFW deployment doon habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Binidgyan lamang ni Bello ng 15 araw ang POLO para tapusin ang kanilang imbestigasyon.

Read more...