Napeñas, ‘incompetent’ naman talaga ayon kay ex-PNoy

 

Mula sa inquirer.net

Bumwelta si dating Pangulong Benigno Aquino III sa naging banat sa kaniya ni dating Special Action Force chief Getulio Napeñas.

Una na kasing ipinahayag ni Napeñas na pinagmukha umano ni Aquino na “incompetent” sila ng kaniyang mga kasamahang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na naglunsad ng Oplan Exodus na ikinasawi ng 44 SAF troopers sa Mamasapano, Maguindanao.

Mariing pinabulaanan ni Aquino ang sinabi ni Napeñas dahil giit niya, pinagmukha ni Napeñas na incompetent ang kaniyang sarili dahil ganoon naman talaga ang kaniyang naging performance.

“No, no, that’s incorrect. He made himself look incompetent, because he actually performed incompetent,” ani Aquino.

Nanindigan si Aquino na si Napeñas bilang ground commander ng Oplan Exodus, ang dapat sisihin sa nabulilyasong operasyon.

Dagdag pa ni Aquino, malakas ang tiwala niya sa mga kausap niya nang gawin niya ang desisyong ipag-utos ang pagsasagawa ng operasyon dahil “honorable” aniya ang mga ito.

Ani pa Aquino, ang binitiwan niyang desisyon ang tama at lohikal na dapat gawin sa sitwasyon noon.

“Kung may malaki mang kasalanan diyan… may tiwala akong honorable yung mga taong kausap ko, na yung gagawin yung desisyong inutos ko sa kanila ang gagawin, dahil ito ay ang tamang desisyon, logical na desisyon,” banggit ni Aquino.

Sinabi rin ni Aquino na hindi niya alam kung talagang malakas lang ang bilib ni Napeñas sa kaniyang sarili o sadyang wala itong pakialam sa maaaring mangyari.

“Hindi ko alam kung masyado kang bilib sa sarili mo o masyado kang bahala na,” banat niya kay Napeñas.

Iginiit din kasi ng dating pangulo na ilang beses niyang pinaulit-ulit kay Napeñas noon na makipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang makakuha sila ng reinforcement laban sa mga kalaban na tinatayang nasa 3,400 ang bilang.

Muli namang ipinahiwatig ni Aquino na nararamdaman rin niya ang pagdadalamhati ng mga pamilya ng SAF44, ngunit sinabing tandaan na lamang na ang mga nasawi ay pumasok sa isang serbisyong layong tugunan ang problema ng peace and order sa bansa.

Obligasyon aniya ng pamahalaan kasi na pangalagaan ang buong bansa.

Read more...