2 dayuhan na sangkot sa ‘black dollar scam’ arestado

File photo

Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang dayuhan na sangkot sa modus operandi na black dollar scam na nambibiktima ng mga kapwa nila dayuhan sa Pilipinas.

Ipinrisinta kanina ni NBI Director Dante Gierran ang mga suspek na Cameroon national na sina Leon Chambers at Victor Benjamin Miendje.

Ang dalawa ay naaresto sa isang entrapment operation ng NBI-National Capital Region kasama ang mga operatiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa Makati noong January 22, 2018.

Naaresto ang dalawa sa tulong ng mga biktima na si Thamer Alradaideh, isang Jordanian at kaibigan nito na si Shyra Michaela Brian Capistrano.

Nabatid na kinumbinsi ng mga mga miyembro ng sindikato ang biktima na mag-invest sa mga kemikal na gagamitin sa paglilinis ng mga diumano’y dolyares na naka-deposito sa isang safety box.

Ang mga nasabing dolyares ay kinulayan umano ng itim para maipuslit sa bansa.

Nabatid na nagbigay ang biktima sa sindikato ng P1.2 milyon kapalit ng parte sa nasabing dolyares.

Nakumpiska sa dalawa ang iba’t-ibang ebidensya kabilang ang mga kulay itim na papel, mga kemikal at pekeng dolyar.

Ang mga nahuling suspek kasama ang mga co-conspirator nito na sina Martin Ndang, Ngawa Dako Brown, Mary Joseph at isang alyas Clinton ay kinasuhan na ng syndicated estafa at illegal possession and use of false treasury or banknotes sa Department of Justice.

Read more...