Lumagda ang Pilipinas at India sa isang ‘investment facilitation agreement’ matapos ang bilateral meeting sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Prime Minister Narendra Modi.
Ito ay kinumpirma mismo ni External Affairs Ministry Spokesperson Raveesh Kumar.
Ayon kay Kumar, ilan sa mga napag-usapan ng dalawang lider ay tungkol sa pamumuhunan at kalakalan, ‘defense and security’, edukasyon at kooperasyon ng bawat mamamayan.
Bago ang bilateral meeting sa pagitan nina Modi at Duterte ay nakipagpulong na rin ang Indian leader kina Myanmar State Counsellor Aung San Suu Kyi at Vietnam Prime Minister Nguyen Xuan Phuc.
Miyerkules pa lang ay dumating na si Pangulong Duterte sa India upang paghandaan ang kanyang pagdalo sa Commemorative Summit na pagdiriwang din ng 25 taon ng India-ASEAN Dialogue Partnership.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na ang pagdalo ng president sa India-ASEAN Summit ay personal na hiling ni Modi kay Duterte sa kasagsagan ng 31st ASEAN Summit sa bansa noong Nobyembre.
Sa Biyernes ay nakatakda namang dumalo para sa mga gagawing selebrasyon para sa ‘Republic Day’ ang pangulo kasama ang iba pang ASEAN leaders bilang guest of honours.