Natapos na ang six-day visit ni Pope Francis sa Estados Unidos.
Matapos ang isinagawang open-air Mass sa Philadelphia ay dumaretso na ang Santo Papa sa Philadelphia International Airport para bumalik na ng Vatican.
Sa kaniyang anim na araw na pagbisita sa US, kabilang sa mga natalakay ng Santo Papa ang isyu sa immigration, climate change at eskandalong kinasangkutan ng mga pari.
Ilan lamang sa mga mahahalagang bahagi ng kaniyang pagbisita ay ang pagsasalita niya sa Congress sa Washington, pangunguna sa isang malaking family conference, at pagtalakay sa mahahalagang isyu sa United Nations sa New York.
Napagtuunan ng pansin ang paghikayat ng Santo Papa sa Estados Unidos na maging bukas sa mga immigrants at tugunan ang climate change.
Bago ang pag-alis, hinikayat ni Pope Francis ang daan-libong mga mananampalataya na dumalo sa open-air mass na maging bukas sa mga himala na kayang ibigay ng pagmamahal.
Sa pagtaya ng mga organizers, nasa isang milyong katao ang nakiisa sa naturang misa kung saan muling binigyang-diin ng Santo Papa ang kahalagahan ng pamilya.