Sisipot sa gagawing national convention ngayong araw ng National Unity Party (NUP) ang tatlong matunog na kandidato sa 2016 elections.
Ayon kay Reginald Velasco, NUP executive director, sa kanilang mga pindalhan ng imbitasyon, kabilang sa mga nagpasabi na pupunta ay sina Liberal Party standard bearer Mar Roxas, si Vice President Jejomar Binay at si Senator Bongbong Marcos.
Sinabi ni Velasco na bagaman pinadalhan din ng imbitasyon si Senator Grace Poe, pero nagpasabi itong may nauna na siyang schedule na kasabay ng NUP convention kaya hindi siya makakadalo.
Ang nasabing pagtitipon ng NUP ay gaganapin sa Sofitel Hotel ngayong araw sa Pasay City.
Samantala ayon kay NUP chairperson Roberto Puno, ang nasabing pagtitipon na dadaluhan ng kanilang mga lider mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ay para i-reaffirm ang loyalty nila sa partido.
Una nang sinabi ni Bataan governor Albert Garcia, na presidente ng NUP, na welcome ang mga presidential aspirants sa pagtitipon dahil makatutulong ito upang ang kanilang mga miyembro ay makapagpasya kung sino ang susuportahan sa 2016 sa pamamagitan ng pagsusuri sa kani-kanilang mga plataporma at posisyon sa iba’t-ibang national issues.